Sunday, July 24, 2016

Budul-budol at Pag-ibig


Sa di inaasahang pagkakataon
Dumating ka sa tamang panahon
Kung kailan ako ay hindi handa
Kinuha mo ang aking tiwala

Sa tamis ng iyong mga salita
Napakadali mo akong napaniwala
Oo nga't ngayon lang tayo nagkita
Pero parang ang tagal na kitang kakilala

May ibinigay ka sa aking importante sa'yo
Kaya ganun din naman ang ginawa ko
Kapalit ng tiwala na ibinigay mo sa akin
Ibibigay ko kahit ano ang iyong hingin

Naging sunud-sunuran sa lahat ng utos mo
Bawat gusto mo kampante ako
Basta hawak ko ang ibinigay mo sa akin
Sapat ng dahilan 'yan para maging masunurin

Ilang sandali pa nakuha mo na ang lahat
Parang kay bilis lamang sa isang iglap
Gusto kong magtanong gusto kong magduda
Posible kayang ako ay napaniwala?

Imposible yata 'yon sabi ng isip ko
Dahil heto at hawak-hawak ko
Di lamang ang bagay na importante sa'yo
Kundi na rin ang matatamis mong pangako

Hindi nagtagal tila nagbago ka na
Pakikitungo mo sa akin parang nag-iba
Nanlamig ka na at naging mailap
Hanggang sa huli hindi ka na mahanap

Para akong nabuhusan ng malamig na tubig
Gulong-gulo ang aking pag-iisip
Di matanggap ng mapagtiwala kong puso
Na nilinlang mo lamang pala ako

Iniwan mo akong tulala at luhaan
Hawak pa din ang iniwan mong kayamanan
Kayamanang hindi naman pala totoo
Kayamanang puno lang din ng panloloko

Kaya ngayon ako'y natuto na
Hindi na basta-basta magtitiwala
Di na muli mahuhulog sa matamis na salita
Di na muli mahuhulog sa patibong ng dila

No comments:

Post a Comment