Baka kasi pag si Sir Chief nagsabi makinig ka. |
Eh kamusta naman ang valentine month sa mga kakilala nating single? Moreover, sa mga taong kaka-single pa lang dahil nakipagbreak sa jowa? Saklap siguro dahil di man lang pinaabot ang balentayms. Malamang sa katorse maglilipana na naman ang pares pares na taong HHWWPSSPSS (Holding Hands While Walking Pa-Sway Sway Pa Sarap Sipain) at ginawa ng Luneta ang lahat ng kalsada. Indeed, ang mundo ay isang malaking Luneta pagdating ng katorse. Naranasan ko na rin na maging single at kailangang mag-commute papuntang office sa araw ng mga pusod, este, puso. Halo halong emosyon naramdaman ko. Nakakatuwa ang mga valentine oriented na palamuti sa daan at billboards, nakaka-depress kapag natyempo ka sa jeep na puro pares (pati driver may katabing ka-date), nakaka badtrip kapag nagsimula ng maglandian ang mga kasabay mo sa jeep at mag-PDA. Pumara na lang ako at dito nagsimula ang drama episode ko. Pasok Somewhere in Time na intrumental!
Naglakad ako sa overpass. Malamig. Nakakasalubong ko pa rin ang mangilan ngilang may kasabay sa paglalakad na di nilalamig. Bakit naman sila lalamigin eh may mga kamay na nakabalot sa kanila. Kung may nakabalot man sa akin ngayon, ito ay kalungkutan. Pagbaba ng overpass may namimigay ng Mcdo stubs. Valentine promo: 2 Mcdo meals na may discount. Tinanong ko pag ba yung isa lang i-avail ko discounted pa din? Napangiti lang ang Mcdo employee. Mukhang may pinagdadaanan din. Since moment ko 'yun, iniwanan ko na s'ya (baka mang-agaw pa ng ekesena). Bwiset na Mcdo bias sa may partner. Paano naman kaming mga singles? PAANO?! Biglang may nag-abot ng Jollibee stubs. Sabay bigkas ng: Sir, be happy. At doon ko nakilala si Judy, isa syang empleyado ng Jollibee.
OK FINE, imbento lang ang story na yan pero you get the message kung ano pinagdadaanan ng singles kapag valentines.
Pero ang pinakamalupet sa lahat yata na naencounter ko sa ganyan eh yung classmate ko dati. Meron kasi kaming Valentine bullettin board noon sa school na pwede ka makipag-friends sa ibang mga students by posting something sa board na yun. Parang pen pal pero sa bullettin board nagaganap ang kajologsan. Aba! Yung classmate ko (na itago na lang natin sa alias na Jogalyn) laging may secret admirer sa bullettin board. Kilig na kilig naman 'tong si Jogalyn na parang labadang namimilipit habang paulit ulit na nag o-OMG. So nagpatuloy ang exchange of notes nila. Sabi ko nga bakit di mo na lang kitain yang lalakeng yan? Sabi naman nya lagi lang daw nauudlot pero they'll meet eventually. Inggit na inggit tuloy ang mga kaklase kong babae (at bading) sa kanya na kahit mukha syang golf ball eh may nagkakandarapa naman sa kanya. Pero isang araw at sobrang aga ko pumasok sa school (as in 5AM yata yun), pagdaan ko sa bulletin board nakita ko si Jogalyn na may kinakabit na note. "Ang aga aga nakikipaglandian na naman sa board" sabi ko sa sarili ko, Pag alis nya lumapit ako sa board. Ako naman ang napa-OMG ng nakita kong s'ya din pala ang secret admirer n'ya! Meaning, sinusulatan n'ya ang sarili n'ya. Meaning, sa kanya din galing ang roses na nakuha n'ya nung valentines. Meaning, para lang abnoy si Jogalyn na kinikilig sa sariling sulat. Eto masarap bigyan ng stubs. Multiple stabs sa panga!
Well, isa lang yan sa maraming nakakagimbal na stories during valentine's day. Di naman mahalaga kung single single double double ka sa katorse, ang mahalaga - masaya ka. 'Yung Feb 14 dineklara lang yan na araw ng mga puso. Pauso lang ng tao. Walang pinag-iba yan sa Feb 15, 16 at sa mga araw pang kasunod nyan. Masyado lang syempre nabibigyang emphasis kasi nga madrama ang buhay at kailangan lang may allotted na araw para sa mga magsing-irog. Tama naman yung sinasabi nilang kahit araw-araw pwede mong gawing valentine's day. Same as kung trip mo talaga magpaka lugmok, gawin mong araw ng mga patay ang araw-araw mo. O kaya kung bored ka - mix and match, christmas combined with holloween para astig. It's all up to you. Pero ang huwag na huwag mong gagawin eh yung gawin mong April fool's day ang araw araw mo. Tanga lang ang nagpapakatanga sa pag-ibig. Hmm... oo parang ganon. Kaya kung gusto mong sumaya - iwasan magpakatanga. Pagdaanan ang valentine's day ng maayos at gawing positive! Good vibes lang maghapon.
Sa mga kaibigan kong may pinagdadaanan - lilipas din yan. Hayaan n'yo lang dumaan. Sabi nga sa libro, puso lang yan malayo sa bituka. Sa mga naghihintay ng ka-valentine's - darating din yan. Huwag lang atat at baka mauwi sa palpak. At tandaan, di nakakamatay maging single kaya huwag masyado ma-depress. Don't let Feb. 14 drag you down, actually, do't let anything drag you down! Umabot ka ng Feb 2013 dahil you are strong. Gunaw nga ng mundo noong Dec 2012 na-survive mo Feb 14 pa?
And most of all, huwag tularan si Jogalyn.
No comments:
Post a Comment